P10,000 bonus for SSS employees revealed by President Aquino on SSS 55th Anniversary

SSS employees has a reason to celebrate as the P10,000 bonus for SSS employees was approved by President Aquino. It was revealed by the President during the  Speech of President Aquino at the 55th founding anniversary of the SSS, September 3, 2012.

Worth P10,000, the bonus has already been released on August 31, Aquino said on Monday, citing Budget Secretary Florencio Abad.


Here's the Full Transcript of Speech by PNoy:
Speech of President Aquino at the 55th founding anniversary of the SSS, September 3, 2012

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-55 anibersaryo ng Social Security System
[Inihayag sa Ramon Magsaysay Hall, SSS Building, Lungsod ng Quezon noong ika-3 ng Setyembre 2012]
Secretary Cesar Purisima; Secretary Linda Baldoz; Secretary Coloma; Director General Joel Villanueva; Commissioner Kim Henares; Mr. Juan Santos; Mr. Emilio de Quiros; Mr. Robert Vergara; Asec. Virginia Torres; Postmaster General Josie de la Cruz; Representative Riza Hontiveros-Baraquel; Mr. Jose Titoy Pardo; 2012 Balikat ng Bayan awardees; members of the Board of of the Social Security Commission; officials and employees of the Social Security System; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang umga po sa inyong lahat.
Limampu’t limang taon na po ang nakaraan nang itinatag ang Social Security System. At mula noon hanggang ngayon, nakaangkla sa iisang mandato ang kawanihang ito: Ang mabigyan ng seguridad sa kinabukasan ang mga kababayan nating miyembro ninyo. Ginagawa ito sa pamamagitan ng mga pensyon, loans at insurance, at iba pang benepisyo. Kayo ang takbuhan at sandalan nina Juan at Juana dela Cruz sa mga panahon ng pagsubok at pangangailangan; tungkulin po ninyong pangalagaan ang karapatan nila sa mas malawak na pagkakataon sa kaunlaran, at sa mas disenteng pamumuhay.
Malinaw po ang mandato ninyo sa mga Pilipinong kumakayod sa pribadong sektor: habang sila ay nagtatrabaho, nagtatabi kayo ng pera mula sa kanilang suweldo. Habang nagbabanat sila ng buto, tungkulin ninyong pangalagaan ang kanilang mga pinagsumikapan at naipundar; nang sa gayon, sa oras na sila ay magretiro, may sapat pa rin silang pondo at benepisyong mapagkukuhanan. Ito ang kakalinga sa kanila at tutugon sa kanilang mga pangangailangan.
Nagbubukal sa iisang diwa ang kasunduan at pagtutuwang na ito: tiwala. Ipinagkakaloob nila sa inyo ang kanilang mga pinagsumikapang pera, sa tiwalang mapapangalagaan ninyo ito at maibabalik sa hinaharap ang nararapat naman na kanilang matanggap.
Samakatuwid, hindi laruan ang perang nakalaan para sa taumbayan. Ang pondo ng SSS ay hindi maaaring basta-bastang isugal at ipagsapalaran nang tulad sa paglalaro sa Casino.
Kaya naman ang muli’t muli kong panawagan sa ating mga lingkod-bayan: maging matatag kayo, maging mapagmatyag kayo. Kapag may nakita kayong bitak sa sistema, kapag may nakasalamuha kayong utak-wangwang sa burukrasya, huwag kayong magbulag-bulagan; ilantad natin ang katotohanan. Ito ang inaasahan ng taumbayan mula sa inyo; ito rin ang aking inaasahan sa inyo. Manalig naman kayo: sinumang bumuwag sa tiwalang kaloob ng taumbayan ay walang pag-aalinlangan nating hahabulin, kakasuhan, at paparusahan.
Ngayon, higit kailanman, nananalig ako sa inyong pakikiisa. Kaya naman ang hamon sa bawat isa sa inyo: titindig ba kayo, papanig sa katotohanan, at magiging balakid sa maiitim na balak ng mga masasamang loob? O magkikibit-balikat na lang ba kayo, at makikituwang sa kawalang-katarungan?
Sa mga nagdaang taon, napatunayan ng SSS ang kakayahang tumugon sa mga hamong ito, kaya naman saludo ako sa mga tagumpay na naabot na ninyo. Noong nakaraang taon, umabot sa 25.5 billion pesos ang inyong net earnings; mas mataas ito ng 11.8 percent sa 22.8 billion pesos na net income ninyo noong 2010. Pumalo naman sa 30 billion pesos ang investment income ninyo nitong 2011, na may 7.1 percent increase kumpara sa 28 billion pesos ng 2010.
May sukli po talaga ang pagdodoble-kayod. Dahil sa inyong website at transactional online services, para bang 24/7 nang naka-time-in sa bundy clock ang SSS, handang maglingkod anumang oras. Ang resulta: tumaas ng 68 percent ang members at employers na nakapag-enroll sa inyo sa unang apat na buwan ng 2012. Ang dating 189,576 na bagong web registrants sa parehong panahon noong nakaraang taon, naging 318,000 na ho ang bilang. Kung may Facebook page nga po ang SSS, hindi na ako magtataka kung libo-libong “likes” ang makakalap ninyo mula sa taumbayan. [Laughter and applause]
Sa mga kasing bata po namin ni Ginoong Juan Santos, ‘yung “like” po noong panahon namin “love” ‘yun. [Laughter]
Balita ko, marami na rin daw pong textmates ang SSS. Dahil sa pagpapalawig ng inyong Text-SSS facility, mas madali nang nakakapag-inquire ang mga miyembro ng SSS sa inyong serbisyo. Maging ang mga dayuhan, napapabilib na rin sa inyo. Kinilala ng Computerworld Publishing, isang global media firm mula Estados Unidos, ang inisyatiba ninyong ito bilang isa sa kanilang 2011 Honors Laureate Program. Humanga sila sa inyong inobasyon sa paggamit ng teknolohiya upang makapaghatid impormasyon, maisulong ang kapakanan ng mamamayan, at makaambag sa lipunan.
Nais ko rin pong batiin ang employer-members at partner banks na nanalo sa inyong Balikat ng Bayan Awards para sa taong 2012. Kayo ang mga indibidwal, kompanya, at mga institusyong pinansyal na tunay na naging kabalikat ng mga programa ng SSS, at naging katuwang ng mga Pilipino sa pagtataguyod ng kinabukasan. Tiwala akong maipagpapatuloy ninyo ang inyong husay, ang walang-sawang pagkakawang-gawa, at ang pagiging mabuting halimbawa.
Dahil sa pagpapakitang-gilas ng SSS, hindi na rin po ako nag-atubiling pirmahan ang 55th anniversary bonus para sa inyong mga kawani, [applause]—sabi po ni Butch Abad nai-release na po ito nitong ika-31 ng Agosto na nagkakahalaga ng sampung libong piso. ‘Di man nito matutumbasan ang inyong mga pagsusumikap, ituring naman ninyo itong pasasalamat sa walang-sawa ninyong pag-agapay sa mamamayang Pilipino. [Applause]
Magtiwala po kayo: hangga’t nakikibalikat kayo sa ating pagtahak sa tuwid na daan, bawat kayod na ibinubuhos natin sa trabaho, bawat hakbang natin sa pagpapatupad ng pagbabago, bawat sakripisyo na pinipili nating gawin sa ngayon, sama-sama nating mapipitas at ng mga susunod pang henerasyon.
Isang maligayang anibersaryo po sa bumubuo ng SSS. Maraming salamat po at magandang araw sa lahat.

Comments