Video- President Aquino speech at Filipino Community at Laos

Watch President Aquino speech at Filipino Community at Laos. Aquino Meeting with the Filipino Community at Mekong II Restaurant, Vientiane, Lao PDRon 4 November 2012

FULL TRANSCRIPT: courtesy of Official Gazette

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pakikipagpulong sa mga Pilipino sa Laos

[Inihayag sa Lao People’s Democratic Republic noong ika-4 Nobyembre 2012]

Salamat po. Magandang gabi ho sa inyong lahat. Maupo ho tayong lahat.

Secretary Albert del Rosario; Ambassador Maria Lumen Isleta; Ambassador Malayvieng Sakonhninhom, the Lao PDR Representative to the Philippines; honorable members of the Cabinet present—pakilala ko na kayo dahil kayo naman talaga ang kumakayod sa lahat ng biyahe natin. Puwede tumayo kayo para makilala ng ating mga kababayan [applause]: siyempre, Secretary Albert del Rosario, nasa tabi ko; Secretary Cesar Purisima, Department of Finance; Secretary Greg Domingo ng DTI; si Secretary Rene Almendras, ang ating bagong hirang na Secretary to the Cabinet; ating Director General ng NEDA, si Arci Balisacan; sa ating Communications si Secretary Sonny Coloma;

I also greet Ms. Bernadette Gonzales; Sr. Jesse Encio; officials and staff of the Philippine Embassy in Laos; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang gabi po muli sa inyong lahat.

Alam ho n’yo medyo kakagaling lang ho natin sa biyahe. Napapadalas na nga po yata ang pagbiyahe natin sa ibang bansa. Ewan ko naman ho kung bakit nagustuhan nila na isisiksik lahat ng mga meeting kadalasan sa third at fourth quarter ng taon. Heto pong ASEM, every two years. Noong 2010 po ay kakatapos namin sa UN at parang isang linggo ang binigay sa akin para makapunta ng Belgium. Sabi ko, parang sumuko nang kaunti ‘yung PSG noong panahon na ’yon. At two years later, dito po kami nag-a-attend; sabi ko, “Mahirap yatang idahilan. Tatlong oras lang ang layo ng Laos sa atin. Kung ‘di pa tayo makakadalo, baka naman tayo ay mapatalsik na sa grupong ito.” [Laughter]

Kamakailan lang po nang bumisita tayo sa Vladivostok sa Russia, sa New Zealand, at Australia; ngayon naman po, nandito na tayo sa Laos, at sa susunod na linggo, sa Cambodia naman po. Sana pinagsama na lang nila—dalawang araw ang pagitan. [Laughter] ASEAN naman po iyan. Siyempre, iyang ating media sa bansa natin sinasabing ang dalas kong bumiyahe. Kung alam lang po nila kung gaano kahaba ang debate para ma-“oo”-han itong mga biyaheng ito. At pupusta ho ako sa inyo na napakakaunti ng mga biniyahe ko kaysa ng pinalitan ko. [Laughter]

Hindi po yata naisali sa aking job description ang pagpapahinga—at okay lang po iyan. Mabuti na lamang po, maski walang pahinga, sa tuwing nakakasama’t nakakahalubilo natin ang ating mga kababayan, agad pong napapawi ang pagod at biyahilo ng buong delegasyon. [Applause] Talaga namang nakakare-recharge po kaming lahat sa inyong mainit na pagtanggap. At sa unang beses ko pong pagbiyahe dito sa Laos, talaga namang nakakagalak na kayong mga kapwa-Pilipino ang unang makakaharap ko.

Nagpaalam ho ako doon: ASEM; ang kinaharap ko dito, Pilipino—logical po ‘yan talaga. [Laughter and applause]

 
 Kaya maganda na ho ‘yung charged up na bago natin harapin ang ibang bansa.

Pagkakaintindi ko, mga limandaan ang Pilipinong nasa Laos. Dito po raw yata ngayong gabi, mahigit dalawandaan at marami pa raw bumiyahe sa pagkalayo-layong lugar. Ambigat naman nito, parang 50 percent ng buong populasyon ng Pilipino sa Laos nandito na yata. [Laughter] Pasensya na lang ‘yung mga katunggali natin sa susunod na halalan next year. Doon na lang ho kayo sa kabila na kinukumbinsi pa naming sumama na rin sa amin. [Laughter]

Kaybilis nga po ng panahon, at patapos na naman ang taon. Naiintindihan ko pong may ilan marahil sa inyo ang ipagdiriwang ang Pasko nang malayo sa inyong mga pamilya at kamag-anak. Mulat po ako sa lungkot na inyong nararamdaman: Maliban po kasi sa pitong beses kong nasubukan ang mag-Pasko sa loob ng kulungan nang nakapiit kong ama sa loob ng Fort Bonifacio, mahigit pong pitong beses ‘yun. Mayroon pa hong dalawang beses na nasa Boston kung saan kami exiled at hindi maliwanag [kung] kailan kami makakabalik ng Pilipinas. Talagang mabigat ho mag-Pasko sa ibang bansa. Malayung-malayo po talaga ito sa makulay at masayang pagdiriwang ng Paskong Pinoy. Wala man po kaming dalang putu-bumbong, maituturing na rin pong noche-buena ang pagsasalu-salo natin mga Pilipino ngayon, kahit sa sandaling panahon.

Alam po n’yo kung puwedeng maidagdag ko lang: Noong nasa Boston po kami, maliit pa ang komunidad ng Pilipino sa Boston, mayroon pong asawa ng isang duktor na ang ginagawa tuwing Kapaskuhan ay magluluto ng kutsinta. Siyempre ho wala na pong niyog. Kutsinta lang. [Laughter] Ang problema po, siya nagluluto para sa buong komunidad. Minsan sa isang taon, ‘pag nagkita-kita kayo para i-celebrate ang Kapaskuhan, mayroon kayong tigalawang piraso ng kutsinta. [Laughter] Ang masakit po n’on, dahil nga noon… at saka kada kagat po n’yo talagang ninanamnam n’yo dahil next na naman po ang susunod at hindi nga ho namin malaman kung kailan kami babalik ng Pilipinas. Kaya noong nakabalik po ako ng Pilipinas, ‘yun po naging kumbaga naging kaugalian ko na ho—basta may nakita akong kutsinta, kailangan makakain ako maski tatlong piraso lang. Lahat ho ng klase ng kutsinta sa Pilipinas nasubukan ko na. Marami pong kulay ang kutsinta. Ang nawawala na lang po ay ‘yung psychedelic na kulay. [Laughter] Well, normally isang kulay lang naman.

Sa tuwing nakakausap po natin ang mga kababayang OFW, madalas ko pong maikwento ang isang karansan noong nasa kongreso pa ako. Ang nangyari po kasi, may mga bumisitang nursing students sa amin noon. Kung hindi po ako nagkakamali, nasa 80 ang bilang nila. Hindi ko po naiwasang itanong sa kanila—ito ho siguro mga between 1998 and 2001—at itinanong ko po sa kanila, “Ilan sa inyo ang mananatili sa Pilipinas pagkatapos makapasa ng board exam?” Ang sagot po: Panay kibit-balikat ang natanggap nating sagot; hanggang sa mayroon pong mga nagtaas ng kamay. Ang sabi ko po, “Maraming salamat sa inyong dalawang mananatili sa Pilipinas.” [Laughter] Talagang napailing na lang po tayo.

Pero kung tutuusin, may punto naman po ang 78 sa kanilang nagnanais na lisanin ang Pilipinas, para makipagsapalaran sa ibang bansa. Sa lubha po kasi ng dinatnan nating sitwasyon, hindi na talaga katakataka kung para sa ilang mga kabataan, napupundi na ang liwanag ng pag-asang umasenso pa sa Pilipinas. Ano nga ba naman ang punto ng pagkayod kung matamlay naman ang pagkakataong umangat sa buhay? Para saan pa ang pagbibigay-todo, kung kapos naman ang pag-abot sa sariling pangarap? Paano ka aasa sa mas magandang bukas, kung ang namahala nang halos sampung taon ay nakatuon lang sa pansariling kapakanan? Suntok sa buwan ang magkaroon ng maayos na kabuhayan. Suntok sa buwan ang mangarap ng mas maliwanag na kinabukasan. Malamang, ito rin ang naisip at naramdaman ng ilan sa inyong nandito ngayon.

At aaminin ko po: miski ako, nang magsimulang manungkulan, nagduda rin na agad nating mapapagaan ang mga problemang ipinamana sa atin ng nakaraang pamahalaan. Sa bawat araw pong dumadaan, nagpapatong-patong nang nagpatong ang mga anomalya at kapalpakang nadidiskubre namin. Nasanay na po kaming hindi na magulat, at halos nagmanhid na nga po ang ating gabinete sa araw-araw na almusal, tanghalian, at merienda, pati na hapunan—buntong-hininga. Talaga naman pong sa kakapalan ng kanilang mukha, at sa kawalan nila ng konsensya, wala po kaming ibang maisagot kung hindi “hay naku” sa kaliwa’t kanan nilang kalokohan.

Hayaan ninyo pong magbigay ako ng ilang halimbawa para mas maintindihan nating lahat. Nang dumating po tayo, nasa halos 36 na milyong Pilipino ang hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang mas nakakabahala: sa bawat sampung Pilipino daw po, apat ang pumapanaw nang hindi man lamang nakakakita ng isang health professional. Sa lubha ng sitwasyon natin sa kalusugan, kulang na lang po yata ay magpaskil sila ng mga karatulang “bawal magkasakit.” Ano po ba ang kaibahan ngayon? Sa sandaling panahon ng ating pamumuno, mula ho sa [62] percent, 85 percent na po ng buong populasyon ang naka-enrol sa PhilHealth. Malayo na po ang itinalon nito mula sa dating 62 percent. Ibig pong sabihin: ngayon, dagdag na 23.31-million Filipinos ang malaya nang magpatingin sa doktor, midwife, o nurse. Eto pa po ang good news: ang 5.2 million na kabahayan na tinukoy ng ating National Household Targeting System, libre nang makikinabang sa serbisyo ng PhilHealth. Ang mga sakit pong tulad ng asthma, pneumonia, dengue, kasama na ang mga tinatawag na catastrophic diseases gaya ng leukemia, prostate cancer, at breast cancer—mapapatingin na ng mga pinakamahirap nating kababayan, nang hindi naglalabas ni isang kusing. [Applause]

Dagdagan ko lang ng ilang kuwento: Kung maaalala po ninyo, laging nasa hanay ng mga pinakatiwali at di-pinagkakatiwalaang ahensya ang Department of Public Works and Highways. Naging simbolo ng kapalpakan at panlalamang ang mga proyekto ng DPWH, na siya namang ginagatasan ng mga nasa pwesto. May isa nga pong proyekto ang dating administrasyon. Ang pangalan: Tulay ng Pangulo. Mahigit-kumulang 30 bilyong piso ang pondong inilaan nila para pagdugtungin ang ilan sa ating mga isla at mga lugar. Magandang intensyon naman po, ‘di po ba? Ang problema, hindi pala nila alam kung saan ilalagak ang mga ito. Basta na lang bumili ng mga prefabricated bridges mula sa mga dayuhang kompanya, ginasta ang pera ng bayan, tapos wala naman tayong pinatunguhan. Sakit lang sa ulo ang naipasa nila sa atin.

Alam pa ho n’yo, ‘yung kahuli-hulihang kontrata nito nilagdaan nila, June 28, 2010. Bakit ho importante iyon? Kasi po June 30 po, presidente na ko. So, isang araw na lang sila nanatili, talaga hong ginatasan. Sabi ko nga ho sa isang lugar, “Ginagatasan nila, gusto pang gawing bulalo.”

Ngayon po, sa pamumuno ni Secretary Babes Singson, ang dating pugad ng katiwalian ay nagiging pugad ng kasaganahan. Kung mayroon pong mga taga-Quezon City dito, magugulat kayo sa bagong-bukas nating underpass sa Araneta at Quezon Avenue. ‘Di hamak na mas maayos na po ang daloy ng trapiko ngayon dito. Balikan nga po natin sandali ang kuwento sa pagkakabuo ng proyektong ito. Ang kompyutasyon po ng ating pinalitan, aabot daw ng 694-million pesos ang kakailanganing budget para dito. Nang makumpleto po ni Secretary Singson ang proyekto, hindi lamang ito 100 days ahead of schedule, ang inabot lang po nating gastos, imbes na 690 [million pesos], 430 million pesos—260 [million pesos] po ang savings. [Applause] Sabi nga ho ng iba, baka naman ibang klaseng calculator po yata ang ginamit nila, at automatic at maya’t maya ang pindot ng addition button. Ang mahigit 260-million pesos na natipid natin dito, idagdag pa ang 11.3-billion pesos nilang savings dahil sa tamang paggugol ng pondo, magagamit na natin ngayon para sa iba pang makabuluhang proyekto. Ito na nga po ang tinatawag nating “tuwid na daan”—ang benepisyo, diretso po sa tao, at hindi sa bulsa ng kung sino.

Isa rin po sa pinakamalaking dagok na ipinamana sa atin ay ang kakulangan daw ng bigas sa Pilipinas. Mantakin po ninyo: kapos daw tayo ng 1.3-million metric tons ng bigas kada taon. Ang masaklap, 2.5-million metric tons ang pinayagan nilang inaangkat para punuin ang 1.3. Hindi lang pala sa addition may problema ang calculator nila, pati sa subtraction. Dahil sa sobra-sobrang pag-aangkat, nabubulok lang ang sobrang bigas sa bodega, dinagdagan pa nating arkilahin. Mga doble ho ang nangyari sa NFA na bodega. Pinakinabangan ba ito ni Juan dela Cruz? Siyempre, hindi po; 1.3 [million metric tons] ang kailangan, umangkat sila ng two-millio tons. ‘Yung sobra nandoon sa mga warehouse.

Ngayon, dahil sa maayos na pag-aalaga sa sektor ng agrikultura, itong taon pong ito, 500,000-metric tons na lang ang kailangan nating angkatin na bigas. Napipinto na rin po ang araw na ang bigas na isasaing ng Pilipino, itinanim, inani, at ibinenta ng kapwa niya Pilipino. At hindi na lang po basta self-sufficiency ang habol natin; Kung papalarin po tayong bahagya at hindi masyadong bayuhin ng mga bagyo sa panahon ng pag-ani—sa pagdating po ng 2013, net exporter na rin tayo ng bigas mula sa dating importer. [Applause]

Baka naman po mayroon sa inyong taga-Mindanao dito. Hindi lang po kasi malawakang kaunlaran ang tinatamasa natin ngayon—natatanglawan na rin tayo ng liwanag ng kapayapaan. Nito lamang nakaraang buwan, pagkatapos ng di-mabilang na peace talks sa mga nakalipas na taon, sa wakas, ay napagkasunduan na ang isang Framework Agreement sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at ng pamahalaan. Tiwala po tayong ito na ang maghahatid ng matagal na nating inaasam na kapayapaan sa Mindanao; ang kasunduang ito ang magiging pundasyon para mas maipaabot natin ang tinatamasa nating kaunlaran sa mga kapatid natin sa katimugang bahagi ng bansa. Alam naman po siguro ninyo: sa matagal na panahon, napakailap ng kapayapaan sa bahaging ito ng Pilipinas. Minsan nga po, hindi tayo makapaniwala, na ang dating imposible, ngayon ay ganap nang reyalidad. Nanabik na po tayo sa mga bungang mapipitas mula sa kasunduang ito—lalong-lalo na po para sa ilang mga kapatid natin sa Mindanao, na matagal nang nasakluban ng dilim ng takot at karahasan, at sa darating na mga panahon ay matatanglawan na ng mas maliwanag na kinabukasan.

Maging sa ibang sangay ng pamahalaan, nararamdaman na rin ang repormang hatid ng tuwid na daan. Matagal na naipako sa “just-tiis” ang ating Justice system. Ngunit nitong Mayo, namayani ang katarungan: may isang Punong Mahistradong sumumpa alinsunod sa Saligang Batas na ilalahad niya ang kanyang buong yaman, subalit ang idineklara niya, kulang pa sa dalawang porsyento. Mahigit 98 porsyento ng kanyang yaman, itinago niya, at nang siya’y nilitis, may gana pa siyang magpalusot. Hindi pa nakuntento, aba, nagwalk-out pa. Pakiramdam po yata niya, porket pinuno siya ng hudikatura, exempted na siya sa atin pong mga batas. Dahil sa paninindigan ng 20 senador na sundin ang tinig ng sambayanan, at kasama na ang mga kongresistang naghain ng impeachment complaint, natanggal po sa pwesto ang punong mahistrado at humaharap na po sa mga kasong kanyang kinasasangkutan. Nagtalaga rin po tayo ng bagong Chief Justice na malayang magpapatupad ng mga repormang kinakailangan sa hudikatura. Bakit po ba tayo nanindigan sa laban na ito? Dahil tungkulin nating tiyakin na tuwing papasok tayo sa korte, pantay na katarungan at katotohanan lamang ang iiral miski sino ang kaharap mo. Hindi rin sapat ang basta makasuhan lang ang mga dating opisyal na umabuso sa pwesto. Kailangang dumaan sila sa paglilitis, sa mga kaukulang proseso at imbestigasyon, at kung napatunayang nagkasala, ay managot batay sa nakasaad sa batas. Tungkulin nating manindigan para sa isang hudikatura kung saan ang inosente ay lalabas na inosente, at ang lumabag sa batas ay siguradong mapapanagot, simpleng tao man, o dating opisyal ng pamahalaan.

Iilan pa lang po ang mga halimbawang ito sa mga tinatamasa nating pagbabago—kapag nagtuloy-tuloy pa tayo sa pagkwento, baka may mga mag-impake na po sa inyo at sumama na sa amin pauwi ng Pilipinas. [Laughter] Hindi na nga po maikakaila: nag-iiba na ang mukha ng ating bansa. At hindi po ito pagbubuhat ng sariling bangko; hindi na natin kailangang gawin ito kung ang nasa likod mo, mga Pilipinong nagbabayanihan—nakikibalikat sa pagsugpo sa katiwalian at kahirapan, nakikipagtulungan sa pag-angat sa kalagayan at kapakanan ng kapwa, at nakikiisa sa paghahatid ng mas maliwanag na kinabukasan para sa ating pong bayan.

Lagi ko na pong sinasabi ito: ang pagbabago po sa Pilipinas ay pinili, at patuloy na pinipili ng mga Pilipino—kayo ang gumawa nito. Ang ambag po ng bawat isa ay mahalaga—pulis ka man, guro, kawani ng gobyerno, o OFW—ang bawat araw na pagbabanat ninyo ng buto, ang bawat sandali ng inyong pagsasakripisyo, ang bawat kumpas ninyo ay nagdadala sa atin sa tinatamasa nating pagbabago.

Sa kabila ng mga tagumpay na nakakamit na natin, makakaasa kayong hindi tayo titigil sa paglalatag ng reporma sa bansa. Opo, malayo na ang ating narating, subalit mahaba pa rin po ang kailangan nating lakbayin. Iisa pa rin ang ating hangad: ang mabigyan ng mas malawak na pagkakataon sa kaunlaran ang mga kababayan natin. Upang sa paglaon po, hindi na ninyo kakailanganin pang makipagsapalaran sa ibang bansa, upang sa Pilipinas ninyo na mismo mapitas ang bunga ng lahat ng inyong pagsusumikap. [Applause]

Sa pagbaba ko po sa puwesto sa June 30, 2016—matagal pa naman ho iyan: three years and seven months na lang po ‘yan—hindi ako mahihiyang humarap sa milyun-milyong Pilipino, hindi ako mag-aalinlangang tumitig sa inyo—mata sa mata—at masabing nagawa nating baliktarin ang dinatnan natin. Bilang nagkakaisang lahi, ipagpatuloy po natin ang labang ito; sama-sama po nating abutin ang matagal nang pinapangarap ng mga Pilipino.

Bago po ako magtapos, gusto ko lang hong ulit-ulitin: Talaga hong marami na tayong karanasan. At talaga noong ako ang unang itinutulak na tumakbo bilang pangulo, ang sagot ko po’y, “Bakit naman ako ang itutulak n’yo? Kasama naman ako sa oposisyong kumukontra sa mga ginawang mali. Ngayon, gusto n’yo akong magmana ‘pag matindi na ang problema at subukang ayusin.” At ‘pag hindi ko naisaayos, magagalit pa kayo sa akin. [Laughter] Sa totoo lang ho, parang “mission impossible” noong nag-umpisa tayo. Pero, after two years and five months, more or less—four months and something lang ho kasi, ginagawa lang ho namin “five months”—eh talaga naman hong, sinong nakakaalam, may solusyon ba ako noong umpisa: Paano ba tayo titigil umangkat ng bigas, paano ba tayo magiging self-sufficient? Ngayon, ‘di na po self-sufficiency ang pinag-uusapan. Ngayon, pinag-uusapan, exporting of the higher end varieties. ‘Pag sinabi hong, “Paano kaya natin pupunahin ‘yung kakulangan natin ng classroom, na advocacy ng atin pong tagapagsalita kanina; kaunti lang naman ang pinapagawa sa atin eh: 66,800 classrooms lang. Ang kaya ng budget po: eight thousand a year. Eh six years lang ako, e di eight times six, 48, aalis ako, may utang pa ko. Pero magaling ho ang ating gabinete, ating kalihim si Bro. Armin Luistro; this year wala na po tayong shortages sa aklat. Next year, tapos na ‘yung shortages natin ng classrooms. Wala na pong utang—66,800, ‘wag naman tayong magdagdag ng triple o doble at baka naman bilang kulang tayo after nine months. [Applause]

Marami pa ho akong sasabihin sa inyo pero marami pa ho tayong pagpupulong bukas. ‘Yung formal ng ASEM at saka ‘yung bilateral discussions baka ho hindi na tayo makapagsalita bukas, ako’y magpapaalam pansamantala.

Ulitin ko lang ho: nakakatulong kayo dito, tumutulong kayo sa pag-asenso nila. ‘Yung pag-asenso, pagbibigay ng istabilidad, hindi lang po sa Laos kung hindi pati na sa ating rehiyon, sabay-sabay tayong umaangat, sabay-sabay tayong may kapayapaan at may pagkakataong talaga namang magpatuloy ang ating pag-aangat. Ang ginagawa n’yo dito, nakakatulong kayo sa kanila. Nakaktulong rin kayo sa ating mga kababayan sa Pilipinas.

Magandang gabi po. Maraming salamat sa inyong.

Comments