PMA Graduation Rites 2013 Live Streaming Online

Watch the PMA Graduation Rites 2013 Live Streaming Online.

President Aquino is being given arrival honors at Fort Del Pilar for the 108th Commencement Exercises of the PMA Pudang Kalis Class of 2013.

Pres Aquino will give an address at the commencement exercises of PMA's "Pudang-Kalis" 2013.

Live Streaming courtesy of RTVMalacanang via YouTube.

Speech of President Aquino during the commencement exercises of the Philippine Military Academy Pudang Kalis class, March 17, 2013

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagtatapos ng Philippine Military Academy Pudang Kalis class ng 2013

[Inihayag sa Fort del Pilar, Lungsod ng Baguio, noong ika-17 ng Marso 2013]

‘Di ko maiwasang itanong kanina sa ating Secretary of National Defense kung ginagaya po ninyo ang kanyang disposisyon, dahil sa lahat ng graduation ko pong naabot, kayo lang ang nag-graduate na parang naka-”tiger look” lahat. Parang masama loob ninyong nag-graduate? Palagay ko, professional lang kayo. [Laughter]

Taunang tradisyon na po ng mga Pangulo ang pagharap sa mga kadete dito sa Fort Del Pilar, upang salubungin at ipagpugay ang mga magtatapos sa Philippine Military Academy. Ikatlong beses na pong ibinibigay sa akin ang karangalang ito, at ako naman po ay hindi rin magsasawang makasalamuha kayo—hindi lamang bilang inyong Commander-in-Chief, kundi pati na rin upang personal na masaksihan ang isang tagumpay na kolektibong naabot ng sambayanang Pilipino.

Nasasabi ko ito, dahil hindi ba’t ang inyong pagmartsa sa entablado kanina ay sagisag ng pag-aambagan ng kalakhang lipunan tungo sa pag-abot ng inyong mga adhikain? Totoo namang kayo ang dumaan sa mga pagsusulit, kayo ang gumising ng madaling-araw para sa physical training, at balikat ninyo ang pumasan ng napakarami ring sakripisyo para umabot tayo sa puntong ito; hindi matatawaran ang aking paghanga sa mga dinaanan ninyo. Ngunit isipin din ninyo: Bago kayo makatapos ng high school at matanggap bilang plebo dito sa PMA, dumaan din sa sakripisyo ang inyong mga pamilya upang makapag-aral kayo, at patuloy ang kanilang suporta hanggang sa puntong ito. Nagpuyat din ang mga guro at tagapayo ninyo upang siguruhing may makabuluhan silang maituturo sa inyo. Nakipasan ang buong sambayanan sa pagpapatayo at pagpapalakad ng institusyon ng Philippine Military Academy, at magpapatuloy pa ang kanilang kontribusyon sa kahabaan ng inyong mga karera bilang miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Halimbawa na nga mismo itong mga sapalarang dinaanan ng valedictorian ninyong si Jestoni Lanaja. Hindi marangya ang buhay na kanyang kinalakhan. Hindi na nakatapak ng kolehiyo ang isa niyang kapatid na lalaki, at ang isa namang kapatid na babae ay hindi maipatingin ang kapansanan sa ospital. Ngunit sa pagtitipon ng tuba, nairaos ng kanyang ama si Jestoni hanggang maging kadete siya dito sa PMA; at ngayon, hawak na niya ang Presidential Saber na sagisag ng dangal at responsibilidad na dala ng pagiging class valedictorian.

Success story din, halimbawa, si Prolen Bonacua, na hindi pa man nadedestino bilang kawal, ay sumabak na sa laban at dinaig ang Hodgkin’s lymphoma. Ngayon, magtatapos siya bilang ikatlo sa inyong klase. Tiyak kong kapantay, kung hindi man higit pa, sa karangalan at tuwang nararamdaman niya ngayon ang sa kanyang amang machinist at sa kanyang inang trabahador sa pabrika—na pareho ring kumayod upang siguruhing hindi mag-isang haharap sa cancer si Prolen, at may pagkakataong bubukas para sa kanilang anak, dulot ng mabuting edukasyon.

Hindi po nagkukulang sa kuwento ng sapalaran at tagumpay ang Pudang Kalis Class of 2013: mula kay Maryam Balais na salutatorian ninyo at napilayan pa ng kamay sa training, hanggang kina Cadets Aragona, Gonzales, Landicho, at iba pa ninyong mga kaibigang naging crew pa ng Jollibee bago pumasok dito sa PMA—lahat po kayo ay benepisyaryo hindi lamang ng sariling pagsisikap, kundi ng pag-aambagan ng inyong kapwa. Kaya nga ang hamon sa inyo ngayon: Nawa’y ang pananagutan at pakikiambag na ipinamalas ng mga tumulong sa inyo, ay manganak ng malalim ding pananagutan sa inyong mga puso’t isipan, upang kayo naman ang maglaan ng pagod at panahon para sa inyong kapwa. Kolektibong narating ng sambayanan ang tagumpay ninyong ito; umaasa akong sa kolektibo rin ang tuon ng bawat kilos ninyo—dahil ‘di nga ba’t ang lahat ng problema ay nagmumula sa pag-iisip ng pansariling interes lamang?

Tingnan na lang po natin, halimbawa, ang sitwasyon sa Sabah. Naisip kaya ng mga pasimuno nito na napakaraming apektado sa paggawa ng gulo? Nariyan ang mga tinatayang walondaang libong Pilipino naninirahan at naghahanapbuhay nang tahimik sa Sabah; paano kung bigla silang pauwiin ng ating kapitbahay na kaytagal na panahon ang binuno natin para magbalik ang tiwala? Alam naman natin kung gaano kasalimuot ang usaping ito: May Punong Ministro ba ng Malaysia na basta-bastang papayag na bitawan na lang ang lugar na kaytagal nang nasa ilalim ng kanilang mga batas? May Pangulo ba ng Pilipinas na basta-basta lang ding bibitaw sa isinusulong na pagmamay-ari nito? Kayo nga po ang lumagay sa lugar ko: lehitimo man o hindi ang hinaing ng mga nagtungo roon, paano ito titimbangin sa harap ng buhay at kabuhayang malalagay sa peligro kung magsimula ang hidwaan? Alam naman po natin, ang bawat aksyon ay may kaakibat na reaksyon, at may mga problemang hindi puwedeng daanin sa kalburo— mga problemang manganganak lang din ng iba pang problema kung ipipilit gamitin ang dahas o pangangahas. Ang kailangan: masinsin at tapat na pagsusuri at usapan, upang mahinog ang tamang solusyon.

Naisip kaya ito ng mga promotor ng pangangahas habang nang-uudyok sila’t nanggagatong—habang itinatalaksan nila ang limpak-limpak na salaping kailangan upang umupa ng lantsa, bumili ng gasolina, ng pagkaing babaunin, ng mga baril at mga bala? Inaral ninyo iyan sa mga klase ninyo sa Logistics; alam ninyo ang paghahandang kailangan upang itawid ang dalawandaang katao sa dagat, at ang armasan ang ilan sa kanila. Ano po kaya ang tumakbo sa isip ng mga nasa likod ng insidenteng ito?

Ang malinaw: Sino man ang may pakana, ang inisip nila ay ang pansariling interes lamang, habang ipinapain ang kapakanan ng kanilang kapwa. At maniwala man po tayong nais lamang talagang manindigan ng mga nagtungo roon—‘di ba’t mas produktibo kung ang paninindigan ay dadaanin sa matinong usapan, at kung ito’y isusunod sa batas at sa malinaw na patakaran?

Tingnan po natin bilang halimbawa ang situwasyon sa West Philippine Sea. ‘Di ba’t gaya nang sa Sabah, paninindigang nakatuntong sa isang rules-based approach, at nakatuon sa mapayapang resolusyon, ang ating isinusulong sa Bajo de Masinloc? Kung dadaanin ito sa pagka-maton at pangangahas, lolobo lang ang problema, at malamang ay maipamana lang din ito sa susunod na salinlahi. Nakita na nga rin natin sa mga positibong bunga ng pakikipag-usap sa mga kapwa natin Pilipinong nais isulong ang Bangsamoro: Mas epektibo, mas produktibo, at mas kapaki-pakinabang para sa lahat ang taos-pusong diyalogo, kaysa pagtutok ng armas sa isa’t isa. Ang hinahon at katuwiran ay hindi katumbas ng kaduwagan—bagkus, ito ang sukat ng tunay na tapang at paninindigan, dahil sa ganitong paraan, naisasaalang-alang ang kapakanan hindi lamang ng mga nasa kasalukuyan, kundi lalo na ng mga darating pa sa kinabukasan.

Iyan mismo ang sangandaang kakaharapin ninyo bilang mga kawal. Magpapadala ka ba sa init ng ulo, o haharap ka ba sa mga hamon nang kalmado? Dadaanin mo ba sa shortcut ang trabaho, o iisipin mo ba ang magiging epekto ng iyong mga kilos at desisyon sa mga susunod sa iyo? Ipapasa mo lang ba sa susunod na mesa ang mga problemang lalapag sa harap mo, o ibubuhos mo ba ang buong lakas, buong sikap, buong “Puso’t Dangal ng mga Kawal ng Lahing Nagkakaisa” upang masolusyonan ito, at hindi na ipamana sa susunod na salinlahi ng Pilipino?

Bilang susunod na mga pinuno ng ating unipormadong hanay, malaki ang responsibilidad na iaatang sa inyong mga balikat. At bilang medyo nakakatanda sa inyo, marahil ito na ang maiiwan kong aral: Sa tuwing haharap kayo sa isang sangandaan, ilagay lamang ninyo ang sarili sa lugar ng mga pinaka-agrabyado, ng mga pinakaapi, ng mga pinakadukha, ng mga pinaka-naghahanap ng lingap—at tiyak, lilinaw kung ano ang tama at kung ano ang mali. Silang mga nasa laylayan ng lipunan, silang mga Boss nating taumbayan, sila ang magkukumpas ng ating direksyon; basta’t kapakanan nila ang nasa isip natin, tiyak na hindi tayo maliligaw.

Alam po ninyo, tatapatin ko kayo, hindi po nakakabata ang pagiging Pangulo ng Pilipinas. [Laughter] May mga nagsasabi ngang kailangan ko nang magbakasyon, dahil nahahalata na raw ang lalim ng aking eye bags at lalo na raw yatang numinipis ang aking buhok. Kaya ako po’y natutuwa pagpunta ko sa PMA dahil mas longhair ako sa inyo. [Laughter] May bahagi po ng kalooban kong sumasang-ayon sa kanila— ngunit mas malaki pa rin ang bahaging nagsasabing anim na taon lang ang mayroon ako sa puwesto, anim na taon para maglatag ng mga pagbabagong kaytagal na nating minimithi. Halos nasa kalahati na po tayo ng ating termino, at sa harap ng mga tagumpay na isa-isa na nating pinipitas, lalo lamang po akong nabubuhayan ng loob. Kaya’t gaya nga ng inyong mga forced march: Kahit gaano kabigat ang aking dala, basta’t kaya ko pang itulak ang kanang paa, at sundan ito ng kaliwa—lalo na kung alam kung nasa likod ko kayo at ang buong bayang Pilipinong handang makiambag sa ikabubuti ng ating lipunan—tuloy-tuloy lang tayo sa katuparan ng atin pong mga pangarap.

Tulad ng nasabi ko nga sa mga nauna sa inyo: Tapos na ang pagsasanay, tapos na ang teorya, tapos na ang apat na taong bakasyon ninyo dito sa Fort Del Pilar; [laughter] panahon na para sa tunay na pakikipagsapalaran. Humayo kayo at ipakitang hindi nagkamali ang ating nagkakaisang bansa sa paghirang sa inyo bilang kasapi ng Pudang Kalis Class of 2013 ng Philippine Military Academy.

Maraming salamat, at magandang araw sa inyong lahat.

Comments