President Benigno S. Aquino III Statement for Papal Visit

Watch President Benigno S. Aquino III addresses the nation on the preparations for the arrival of Pope Francis.
Mga Boss, malaking karangalan po ang pagbisita ng Santo Papa sa ating bansa; kaakibat nito, humaharap din po tayo sa isang malaking hamon. Tingnan na lang po ninyo noong 1995 nang idinaos ang World Youth Day sa ating bansa, na pinamunuan ni Pope John Paul II. Punong-puno ang Luneta at dikit-dikit ang mga tao. Dagdag ko lang po: ganito na kapuno noon nang 68 million ang populasyon natin; ngayong 100 milyon na tayo, gaano karami pa kaya ang darating sa misa ni Pope Francis sa Luneta?
Siyempre po, lahat ng tao, gustong makita nang personal ang Santo Papa. Nariyan ang libo-libong mag-aabang sa convoy ng Santo Papa, at ang milyon-milyon na lalahok sa Luneta. Ang pagsisiksikan at pagkagigil na makalapit sa Santo Papa, maaaring maging mitsa para magkagulo. Isipin na lang po ninyo: Kapag maraming tao ang kumilos nang kahit isang pulgada paharap, malaking espasyo ang masasakop. Kung wala nang lugar na gagalawan, malamang ay may maiipit sa mga barikada. Nagsimula lang po ang lahat ng iyan sa kagustuhang makalapit sa Santo Papa.
Paano pa kaya kung magkahabulan dahil sa may mandurukot? O kaya may isang walang magawa at biglang magpaputok ng labintador? Pihadong magtatakbuhan at magkakatulakan, at nariyan ang potensiyal na marami ang masaktan.
Pansinin din po ninyo: disiplinado ang tao noong wala ang convoy; nang dumating po ang convoy, kanya-kanya na. Kung nagtagumpay ang mga nakaharang na makalapit sa Santo Papa, at tumigil ang convoy, ang dating moving target naging stationary target na. Isipin ninyo kung may nadaganan pa, o kaya naapakan dahil sa pag-uunahan. Di naman kailangang may mapahamak na sinuman.
Tingnan na rin po ninyo ang video na ito: inatake si Pope John Paul II sa loob mismo ng Vatican. Nariyan din ang insidente nang magmimisa si Pope Benedict XVI, nang sunggaban siya sa loob ng katedral; pati na rin ang paglundag ng mga tao patungo sa kanyang pope mobile.
Tandaan po natin: Pastoral visit ito, at layon ng Santo Papa na makahalubilo ang pinakamarami sa ating mga kababayan. Ang bawat pagtatagpo ay nagdadala ng panganib. Ang gusto natin: Bawasan ang mga panganib sa buhay ng Santo Papa, at balansehin ang seguridad ni Pope Francis at ang kanyang hangarin.
Walang duda na sa malaking pagtitipon tulad nito, posible ang gulo. Maski walang banta ng terorismo, at lalo na kung may planong magpasimula ng gulo, nagbabadya ang peligro na magdadala ng pinsala sa napakaraming lalahok.
Kaya naman, para maging makabuluhan ang pagdalaw ng Santo Papa, kailangan natin ng pagdadamayan at pagbabayanihan. Malinaw na napakalaki ng hamong dala ng pagbisita ni Pope Francis sa ating bansa; nakataya rito ang kaligtasan niya, ng nakaparaming dadalo sa kanyang mga gawain at mag-aabang sa kanya. Ang mismong karangalan ng ating bansa, malalagay sa alanganin. Ang tanong ko nga po: Gusto ba nating matala sa kasaysayan na nangyari sa Pilipinas ang isang trahedya na may kinalaman sa Santo Papa?
Obligasyon ng gobyerno ang inyong kaligtasan, at para magampanan ang tungkuling ito ay may obligasyon din kayo. Sa mga darating na araw, maglalabas ng mga paaalala hinggil sa patakarang panseguridad sina Secretary Mar Roxas at Undersecretary Manuel Bautista. Ang panawagan po namin: Makinig po tayo, at makiisa sa pagbabahagi ng impormasyon.
Pihado po: Malalaktawan natin ang napakalaking hamon na ito sa inyong pakikisama at pagbabayanihan.
Ipakita po natin ang pakikisama at pagtutulungan, nang matiyak nating magiging mataimtim at mapayapa ang pagbisita ni Pope Francis sa ating bansa.
Magandang gabi po, maraming salamat, at inaasahan ko ang pakikiisa ninyo.

Comments